PINAMAMADALI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapaunlad at pagkumpleto ng Sangley Point International Airport (SPIA) sa Cavite sa pamamagitan ng mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan at pribadong sektor.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 44, inatasan ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensya na alisin ang mga posibleng sagabal at pabilisin ang mga regulatory at administrative process na maaaring makapagpaantala sa proyekto.
Bumuo rin si Marcos ng Joint Technical Working Group (JTWG) na pangungunahan ng Department of Transportation (DOTr) at Philippine Reclamation Authority (PRA) upang tutukan ang progreso ng proyekto.
Kabilang sa JTWG ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Provincial Government of Cavite (PGC).
Inatasan ang grupo na tugunan ang mga isyung maaaring magdulot ng delay at tiyaking sumusunod sa environmental at technical requirements ang reclamation activities. Maghahain din ito ng quarterly progress report sa Pangulo sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary.
Ang DOTr ang mangunguna sa policy direction at koordinasyon para sa airport development, kabilang ang pagsasama ng SPIA sa Greater Capital Region Airport System at national air transport network.
Samantala, pangangasiwaan ng CAAP ang technical at regulatory requirements ng airport, kabilang ang planning, design, development at operational readiness.
Ang PRA naman ang tututok sa reclamation component, kabilang ang pagsusuri at pag-apruba ng reclamation plans at pagsunod sa mga technical requirement.
Inatasan din ang mga ahensya na tiyaking available ang Sangley Point land para sa pagpapaunlad ng airport.
Kasabay nito, ipinag-utos ni Marcos ang mahigpit na pagsunod sa mga batas pangkalikasan. Magtatatag ang DENR at PRA ng monitoring mechanisms upang maprotektahan ang marine at coastal ecosystems na maaaring maapektuhan ng reclamation at construction.
Layunin ng AO 44 na mapabilis ang proyekto habang pinananatili ang pagsunod sa mga kinakailangang proseso, environmental safeguards at technical standards.
