WALONG Korean nationals, arestado ng PNP-BI sa Angeles City matapos masangkot umano sa mga paglabag sa immigration laws at financial scamming.
Isinagawa ang dalawang magkahiwalay na operasyon ng Bureau of Immigration (BI), katuwang ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), mula Miyerkules ng gabi, Agosto 12, hanggang madaling-araw ng Huwebes, Agosto 13, sa Barangay Anunas at Barangay Pampang, Angeles City, Pampanga.
Kabilang sa mga inaresto ang isang Korean national na wanted sa South Korea dahil umano sa ilegal na pagbubukas at pagpapatakbo ng mga gambling establishment.
Ayon sa paunang ulat, naabutan ang mga suspek na umano’y nagpapatakbo ng mga online workstation na ginagamit sa paglipat ng perang galing sa offshore criminal activities.
May impormasyon din mula sa South Korean authorities na ang ilang pribadong bank account na pinamamahalaan ng mga operator ay posibleng ginamit sa paggalaw ng mga iligal na kita.
Pinangunahan ng BI ang operasyon sa bisa ng dalawang Mission Orders, habang tumulong ang CIDG Regional Special Operations Team 3, CIDG Angeles City Field Unit, Regional Intelligence Unit 3, Angeles City Police Office at iba pang partner units.
Nakipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa Korean National Police Agency at Korean Supreme Prosecutor’s Office.
Iniuugnay ang operasyon sa posibleng paglabag sa Philippine immigration laws at Republic Act No. 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga ang koordinasyon ng mga ahensya, lalo na sa mga kasong sangkot ang mga dayuhan at posibleng may international links.
Pansamantalang nakakulong ang walong Korean nationals sa CIDG Angeles City Field Unit habang inihahanda ang mga kaukulang kaso at deportation proceedings ng BI.
Ipinaalam din sa mga inaresto ang kanilang constitutional rights habang isinasagawa ang proseso alinsunod sa batas.
