
INIHAYAG ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo nitong Miyerkules na mas mabigat na parusa na aabot sa hanggang 12 taong pagkakulong ang naghihintay sa mga taong sangkot sa insidente ng road rage.
Ito ang naging resulta ng initial deliberation ng Committee on Transportation na pinamumunuan ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop sa House Bill No. 8991 kung saan inihain ni Tulfo at ng kanyang mga kasamahan mula sa ACT-CIS partylist na sina Rep. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo at dalawang iba pang mambabatas na sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo.
Ang panukalang batas na “Anti-Road Rage Act” ay nagsasaad na na ang sinumang sangkot sa road rage, na nagresulta sa kamatayan ay ikukulong ng anim hanggang 12 taon at pagmumultahin ng hindi bababa sa P250,000 ngunit hindi hihigit sa P500,000.
“We will not condone road rage in our streets,” ani Tulfo sa kanyang sponsorship speech sa pagdinig ng komite nitong Miyerkules.
“We are all aware that the consequences of road rage are dire, often resulting in altercations, property damages, assaults, and collisions that cause physical injuries even death” dagdag pa ni Tulfo.
Idinagdag pa ng mambabatas na ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), malaking bahagi ng 72,000 na aksidente sa kalsada na nangyari sa Metro Manila noong 2022 ay kaugnay ng road rage.
“Despite all these, there is no existing legislation that imposes penalties on those who exhibit road rage,” ani Tulfo.
Samantala, sinuportahan din ni Davao de Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga, na naghain din ng isang katulad na panukalang batas, ang House Bill 9140, ang panukalang batas ng ACT-CIS partylist habang nagmungkahi siya na i-consolidate ang limang panukalang batas kaugnay ng road rage.
“Walang klarong batas po doon sa road rage, kaya ang daming nangyayari. So yun lang po ang diperensya namin (sa panukalang batas ni Rep. Tulfo) sa degree, bracketing of the degree as to imprisonment of penalty po,” pahayag ni Gonzaga.
Sa House Bill 9140 ni Gonzaga, inirerekomenda niya na sa mga kaso na nagresulta sa kamatayan, ang parusa ay pagkakakulong ng hanggang 20 taon o Reclusion Temporal.
Ang tatlong iba pang House Bill kaugnay ng road rage ay inihain nina San Jose del Monte, Bulacan Rep. Florida Robes, Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas, at Iloilo City Rep. Julienne Baronda.
Matapos tanggapin ng komite ang lahat ng opinyon ng lahat ng mga ahensya ng pamahalaan at private sector, agad na inirefer ni Acop ang lahat ng limang panukalang batas sa Technical Working Group (TWG) para sa consolidation ng lahat ng mga panukalang batas.