SINUSPINDI ng Office of the Ombudsman nang anim na buwan, walang sahod, sina Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza II at Office of Transportation Cooperatives (OTC) Chairperson Teofilo Guadiz III.
May kaugnayan ang kaso sa umano’y patuloy na paggamit ng lumang STRADCOM-operated LTO information technology system kahit nailunsad na ang kapalit nitong Land Transportation Management System (LTMS).
Ayon sa Ombudsman, may “malakas na ebidensya” na nagpapakitang maaaring managot ang dalawang opisyal sa grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Batay sa imbestigasyon, umabot sa tinatayang ₱13.3 bilyon ang dagdag na computer fees na siningil sa mga motorista mula 2019 hanggang 2025 dahil sa sabay na paggamit ng dalawang sistema.
Sinabi ng Ombudsman na kailangan ang preventive suspension habang nagpapatuloy ang administrative proceedings dahil sa bigat ng mga alegasyon at lakas ng ebidensyang nakalap laban sa mga opisyal.
