CALAPAN CITY— SIMULA ngayong araw , Agosto 1, 2025, ipatutupad na ang mga ordinansang magpapapanatili sa kaayusan at kalinisan , ayon ito sa bagong Alkalde ng lungsod na si Mayor Paulino “Doy” Leachon.
Kabilang dito ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga piling lugar dahil sa may karampatang parusang multa na Php1000 piso sa mahuhuling lumabag.
Maging ang tatawid sa mga maling tawiran o mahuhuli sa jaywalking ay pagmumultahin rin ng Php500.
Sa mga may sasakyan na magpapark sa maling lugar o sosobra sa 10 minuto ay pagmumultahin rin ng Php500.
Para naman sa mga nagmo-motorsiklo na walang helmet na gamit lalo na sa mga pangunahing lugar sa lungsod ay karampatang multa rin na Php500.
Ang mahuhuling magtatapon naman ng basura sa mga lugar na hindi dapat tapunan ay pagmumultahin rin ng halagang Php500.
Hindi rin patatawarin ang mga mahuhuling nakahubad o half-naked sa kalye dahil sa pagmumultahin rin ng Php500.
Ipinagbabawal rin ang pag-inom ng alak sa pampublikong lugar at ang mahuling lalabag sa ordinansang ito ay pagmumultahin ng Php500.
Mensahe ni Mayor Leachon sa kanyang mga kababayan sa Calapan City, maging disiplinado at sundin ang mga ordinansang ito na magiging susi sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng lungsod.
