NASA kabuuang 83 kawani mula sa Kapulungan ng mga Kinatawan at ng Senado ang nakapagtapos ng Capability Building on Innovative Leadership for Legislative Staff (CBILLS) Program ng Development Academy of the Philippines (DAP) para sa taong 2023.
Binati ni DAP President Atty Engelbert Caronan Jr., MNSA, ang lahat ng CBILLS scholars sa ginanap na closing ceremony sa Batasan Complex ngayong Huwebes.
Sa kanyang talumpati sa ngalan ni HRep Secretary General Reginald Velasco, sinabi ni Deputy Secretary General (DSG) para sa Legislative Information Resources Management Department (LIRMD) Dr. Edgardo Pangilinan, Ph.D., na ang mga programa tulad ng CBILLS ay kinakailangan upang mas makapaglingkod ang mga kawani ng Kongreso sa mga Pilipino sa pamamagitan ng epektibong proseso ng pambatasan.
“By continuously improving the technical and administrative support services we provide to our legislators and other legislation-related services, we provide to some members of the public, we continuously raise the quality of public service of the House of Representatives and to the development of our country,” aniya.
Binigyang diin ni Senate Deputy Secretary Atty Arnel Jose Bañas na ang tunay na hamon ay kung ang nakuhang kaalaman ay epektibo bang maibabahagi sa mga lokal na komunidad.
“By providing innovative leadership training to legislative staff, we can create a more effective and efficient legislative branch that is better equipped to serve the people of the Philippines,” aniya.
Binati rin ng dalawa ang DAP sa dedikasyon nito sa pagpapaunlad ng mga pinuno ng bayan at tagapamahala, gayundin sa kanilang walang pag-aalinlangang pangako sa pagbibigay ng mga de kalidad na programa.
Ang mga iskolar ng CBILLS, na sumailalim sa mga natatanging track bilang mga emerging leaders, middlemanagers, at mga senior leader, ay nakapagpalabas ng limang policy brief outline, 41 personal at professional roadmap, anim na plano sa pagsubaybay at pagsusuri, dalawang patakaran sa pamamahala ng panganib, limang tala ng patakaran, apat na panukala sa Blue Ocean Strategy, 85 reaction papers at apat na mission report habang sumasailalim sa programa.
Sa seremonya ng pagtatapos, iniharap ni DAP Policy Research Office (PRO) Director Gilbert Lumantao ang mga sample output ng mga iskolar.