NAHULI na sa Davao City ang wanted na si Pastor Apollo C. Quiboloy,nitong Linggo ng gabi (Setyembre 8, 2024) ayon kay Department of Interior and Local Government Secretary ng Benjamin C. Abalos Jr.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ni Abalos “NAHULI NA PO SI APOLLO QUIBOLOY.”
Isang larawan ng self-proclaimed na “Son of God” ang ikinabit sa isa sa mga post ni Abalos sa Facebook.
Naaresto si Quiboloy matapos ang walang humpay na manhunt operations ng mga ahente ng Philippine National Police (PNP) sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.
Kinumpirma ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil ang pagkakahuli kay Quiboloy na planong ilipad papuntang Manila at pansamantalang ikukulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Walang iba pang detalye na ibinigay hinggil sa pag-aresto kay Quiboloy.
Ang lider ng KOJC ay wanted para sa ilang counts ng sexual abuse at human trafficking.
Nasa listahan din ng mga most wanted ng United States Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy.
Samantala, sa isang pahayag, nilinaw ni abogado Ferdinand S. Topacio, legal counsel ni Quiboloy, na ang kanyang kliyente ay sumuko at hindi na-aresto.
Binigyang-diin ni Topacio na boluntaryong sumuko si Quiboloy sa Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
Sinabi niya na hindi na-aresto si Quiboloy ng Philippine National Police sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Kinondena ni Topacio si Abalos sa tila pagpapalabas ng credit para sa pagkakaaresto nito.
Tiniyak ni Topacio sa publiko na ang legal team ni Pastor Quiboloy ay nakatuon sa proteksyon ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon.