KUMPISKADO ng tinatayang P85 milyon na halaga ng mga smuggled na frozen meat at iba pang produkto mula sa China nang inspeksyunin ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang isang warehouse sa Parañaque City .
Sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio noong Linggo na isinagawa ang operasyon matapos niyang ilabas ang isang Letter of Authority (LOA) noong Setyembre 5.
Ang mga miyembro ng Manila International Container Port-Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) ang nagsilbi ng LOA sa isang kinatawan ng warehouse na natagpuang naglalaman ng iba’t ibang poultry, meat, at iba pang produkto mula sa China na pinaghihinalaan na walang tamang customs duties at buwis.
Sinabi ni BOC-CIIS Director Verne Enciso na natagpuan nila ang frozen duck meat, chicken meat, pork meat at mga pagkain na may Chinese markings, pati na rin ang iba’t ibang pagkain at inumin na may foreign markings.
“Ang paunang imbentaryo ay nagpapakita na ang mga poultry products na ito ay maaaring umabot sa humigit-kumulang P85 milyon sa merkado. Pero tinitingnan pa namin ang aktwal na halaga kapag natapos na ang final inventory na isasagawa ng aming mga examiners,” sabi ni Enciso.
Ang warehouse ay pansamantalang pinadlock at tinatakan upang protektahan ang mga nasabing kalakal habang isinasagawa ang final inventory ng mga kinatawan ng warehouse, CIIS, at Enforcement and Security Service.
Bibigyan ng 15 araw ang mga may-ari ng warehouse upang ipakita ang mga tamang dokumento upang mapawalang-sala ang mga paratang na sila ay nagtatago ng imported agricultural products.
Ayon sa BOC, kung mapapatunayang walang tamang dokumento, isasagawa ang seizure at forfeiture proceedings laban sa mga nasabing kargamento para sa paglabag sa Section 1400 o misdeclaration sa goods declaration kaugnay ng Section 1113 o ang property subject to seizure and forfeiture ng Republic Act 10863, kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act.