
NADAKIP ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo ang puganteng South Korean na si Na Ikhyeon limang araw pagkatapos nitong tumakas noong Marso 4.
Nahuli si Na sa pamamagitan ng magkasanib na pwersa ng Fugitive Search Unit at Intelligence Division ng BI, sa pakikipag-ugnayan sa City Intelligence Unit, Police Station 4 Angeles, Regional Special Operations Unit Police Regional Office 3, PNP-Intelligence Group, at Naval Intelligence and Security Group Northern Luzon.
Natagpuan siyang nagtatago sa isang residential area sa Bgy. Pampang, Angeles City, Pampanga.
Inaresto rin ang sinasabing kasabwat ni Na, si Kang Changbeom.
Base sa pagsisiyasat, tinulungan ni Kang ang pagtakas ni Na, na nakita ang CCTV footage at iba pang impormasyon na nakalap ng mga awtoridad.
Ang karagdagang pag-verify sa Korean National Police Agency ay nagkumpirma na si Kang ay isa ring wanted na tumakas sa South Korea para sa kasong fraud.
Ang dalawang wanted ay ililipat sa BI detention facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City. Dahil sa kanilang pagtatangka sa pagtakas, gagawin ang mga espesyal na pagsasaayos upang matiyak ang mas mataas na seguridad, dahil sila ngayon ay na-tag bilang mga high-risk detainees.
Bukod pa rito, ang BI ay nagbibigay ng update sa tatlong empleyado na napatunayang nagsaaayos sa pagtakas ni Na, bilang ebidensya ng CCTV footage.
Dalawang contractual na employees ang agad na tinanggal kasunod ng insidente, habang ang kaso ng permanenteng empleyado ay itinaas sa Department of Justice (DOJ).
Noong Biyernes, inilabas ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ang termination sa ikatlong empleyadong sangkot sa pagtakas ni Na.
Ang mabilis na aksyon na ginawa ng BI at DOJ sa kasong ito ay nagpapakita ng walang tigil na pagsisikap ng ahensya na itaguyod ang hustisya at panatilihin ang integridad .