
ISANG panukalang batas na layong protektahan ang mga senior citizen at persons with disability (PWD) sa panloloko o scam ng ilang indibidwal at mga sindikato ang ihahain ni ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo kasama sina ACT-CIS Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Wendel Tulfo sa Kamara ngayong Lunes (Hulyo 15).
Ayon kay Cong. Tulfo, “Ilang reklamo na kasi ang natatanggap ng aking tanggapan ukol dito sa panggogoyo sa mga senior citizens ng ilang walang pusong indibidwal.”.
“Sa kanilang pension o konting ipon lang umaasa ang mga senior tapos gagatasan o nanakawin pa ng mga manggagantso,” ayon kay Tulfo.
Aniya, “sinama na rin namin yung mga PWD na kapag ginoyo mo ay kulong ang aabutin mo.”.
“Kahit piso pa yan, makukulong ka pag-iniscam mo yung kaawa-awang senior o PWD, dahil wala kang puso,” dagdag ni Tulfo.
Pagkabilanggo ng tatlong buwan hanggang anim na taon o higit pa depende sa laki ng halaga na natangay sa senior o PWD lalo’t naubos ang ipon o pension nito dahil sa scam ng indibidwal o sindikato.
Ani Tulfo na Deputy Majority Leader din ng Kamara, “masyado kasing bulnerable ang mga senior citizen at mga may kapansanan sa mga panloloko ng ilan dahil na rin sa kahinaan dala ng kanilang edad o kapansanan.”.
“We need to protect our elders and PWDs sa panahon ngayong usong-uso ang mga scam,” anang mambabatas.
Sa ilalim ng panukalang batas na pinamagatang: “An Act Protecting the Integrity of the Electronic Transactions of Senior Citizens and PWDs, Defining for the Purpose the Crime of Internet and Telecommunications Phishing and Fraudulent Practices
Against Senior Citizens and PWDs and Providing Penalties Therefore,” layunin nito na magbigay ng proteksion sa mga senior citizen at PWD, sa pamamagitan ng paglalatag ng malinaw na batas at parusa sa naturang krimen.
“By imposing stringent penalties, the bill seeks to deter potential offenders and underscore the seriousness of these crimes. The implementation of this bill would not only safeguard the financial assets of senior citizens and PWDs but also restore their confidence in using digital platforms for communication and transactions,” the
proposed bill said.
Sinuman ang mapatunayang nagkasala ng phishing, internet fraud, telecommunications fraud, kung saan ang biktima ay isang senior citizen o PWD sa oras ng paglabag ay papatawan ng parusang pagkakakulong mula tatlong taon at isang araw hanggang anim na taon, at multa na hindi bababa sa P500,000 ayon sa itatakda ng korte, o ang halagang katumbas ng kabuuang pinsalang natamo ng biktima, alinman ang mas mataas.