Subic, Zambales – PINABULAANAN ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Region III ang mga alegasyong lumabas sa isang TV documentary na may mga pamilyang Ayta Ambala na sapilitang pinaalis sa kanilang tirahan kaugnay ng dating dumpsite sa loob ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang NCIP sa pangunguna ni Regional Director Atty. Joyce Lapuz sa pamamagitan ng Memorandum No. R3-2024-07-2894, Series of 2026, upang alamin ang tunay na kalagayan ng lugar at tiyaking walang nalabag na karapatan ng mga katutubo sa ilalim ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA).
Batay sa imbestigasyon, sinabi ng mga miyembro ng Tribal Council ng Barangay Naugsol na pumayag silang magamit ang lugar bilang pansamantalang dumpsite matapos ang konsultasyon sa LGU Subic noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Hindi rin nakumpirma ng NCIP ang alegasyong tumatanggap ng buwanang ₱10,000 ang komunidad dahil magkakaiba ang naging pahayag ng mga residente kung ito ba ay kaugnay ng dumpsite o dati nang ayuda ng LGU.
Nilinaw rin ng Komisyon na ang bahaging ginamit bilang dumpsite ay hindi dating tirahan ng mga Ayta at wala itong nakitang ebidensiyang may mga bahay na giniba o may mga residenteng sapilitang pinalikas.
Ayon pa sa NCIP, karamihan sa tinatayang 87 pamilyang Ayta, o humigit-kumulang 435 indibidwal, ay nakatira sa kalapit na Sitio Alibang. Ang ilang kabahayan sa Sitio Tibag ay may sapat na layo sa dating dumpsite, taliwas sa ipinakita sa dokumentaryo.
Pinabulaanan din ng NCIP ang alegasyong kontaminado ang tubig sa lugar. Ayon sa Komisyon, wala pang sapat na ebidensiya upang patunayang naapektuhan ang mga ilog at iba pang anyong tubig. Iginiit nito na kailangan munang magsagawa ng water quality testing bago makapaglabas ng pinal na konklusyon.
Sa isinagawang inspeksiyon noong Hulyo 17, 2026, sinabi ng NCIP na wala silang naamoy na matinding mabahong amoy at wala ring napansing hindi pangkaraniwang dami ng langaw o iba pang insekto sa dating dumpsite.
Sa kabila nito, inirekomenda ng NCIP ang agarang rehabilitasyon ng dating dumpsite sa pakikipagtulungan ng LGU Subic at ng komunidad ng Ayta Ambala. Hinimok din nito ang lokal na pamahalaan na tuparin ang pangakong rehabilitasyon ng lugar alinsunod sa mga umiiral na pamantayang pangkapaligiran.
Iginiit din ng Komisyon na ang lahat ng proyektong ipatutupad sa loob ng ancestral domain ay dapat may wastong koordinasyon sa NCIP at may kumpletong permit at awtorisasyon bago isagawa.
