
NANAWAGAN nitong Miyerkules (Marso 12) si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), Overseas Filipinos (OFs), at Filipino seafarers na magpre-enroll nang maaga para sa Online Voting and Counting System (OVCS) na gagamitin para sa overseas voters sa 2025 Midterm Elections.
Ito ay matapos ianunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) ang paglipat ng petsa ng pre-enrollment period para sa internet voting sa Marso 20, 2025 sa halip na Marso 10. Mananatili naman ang deadline sa Mayo 7 ng kasalukuyang taon.
Naniniwala si Rep. Magsino na ang pagbabagong ito ay hakbang upang tiyakin ang maayos at epektibong pagpapatupad ng OVCS, na unang beses pa lamang gagamitin sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas.
Suportado rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapalawig ng pre-enrollment period upang masiguro na lahat ng teknikal na aspeto at mga probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 9369 o Election Automation Law ay matutupad, nang sa gayon ay maging maayos at maaasahan ang bagong sistemang ito.
“Ang paggamit ng OVCS para sa ating overseas voters ay isang makasaysayang hakbang patungo sa mas mabilis at mas maginhawang paraan ng pagboto para sa ating mga OFWs at mga seafarers. Mahalaga ito upang mahikayat silang aktibong gamitin ang kanilang karapatang bumoto bilang mga mamamayang Pilipino,” pahayag ni Rep. Magsino.
Gayunpaman, pinaalalahanan ni Rep. Magsino na dahil pinaikli ang pre-enrollment period, mahalagang mag-enrol agad ang mga OFWs, OFs, at Filipino seafarers upang hindi malampasan ng enrolment period.
“Dahil mas maikli na ang pre-enrollment period, kailangang kumilos tayo agad upang masigurong walang OFW ang maiiwan sa online voting. Huwag nating sayangin ang pagkakataong makibahagi sa kauna-unahang at makasaysayang internet voting sa bansa,” aniya.
Bilang isang masigasig na tagapagtaguyod ng Internet Voting Bill, muling iginiit ng mambabatas na ang pagpapatibay nito ay isa sa kanyang pangunahing adbokasiya. Patuloy na isinusulong ng OFW Party List ang mga reporma at inisyatibang magpapagaan sa buhay ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa at magpapalakas ng kanilang karapatan bilang mga mamamayan.