Camp BGen Vicente P Lim- TIMBOG ang tatlong katao kung saan narekober ang Php 1,169,600 halaga ng droga , baril at mga bala sa ikinasang buy-bust operation ng Rodriguez Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pasado alas-diyes ng gabi nitong Hulyo 12, 2025 sa Daang Tubo 2, Barangay Burgos, Rodriguez, Rizal.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Didog”, 47 anyos, driver at High-Value Individual (HVI), na nahaharap din sa kaso ng ilegal na pag-iingat ng baril; alyas “Mentong”, 44 anyos, nasa listahan ng mga drug personalities, isang driver; at si alyas “Joy”, 32 anyos, nail technician at hinihinalang gumagamit ng shabu.
Batay sa ulat, matagal na sinubaybayan ng Municipal Drug Enforcement Team ang mga suspek. Nang magpositibo ang bentahan, agad na inaresto ang tatlo matapos makumpiska ang tinatayang 172 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 1,169,600, buy-bust money na P1,000, recovered cash na P700, at iba pang kagamitan gaya ng weighing scale, coin purse, sling bag, at driver’s license.
Bukod dito, nakumpiska rin mula kay “Didog” ang isang caliber .22 na baril, magazine, at dalawang bala.
Dinala na sa Rizal Provincial Forensic Unit ang mga suspek para isailalim sa drug test habang isasailalim naman sa forensic examination ang mga nakumpiskang ebidensya.
Pinuri ni PBGen Jack L. Wanky, Regional Director ng PRO Calabarzon , ang matagumpay na operasyon at muling nagpaalala sa publiko sa patuloy na operasyon ng kapulisan laban sa iligal na droga.
