NAKUMPISKA ng mga operatiba ng Police Regional Office 3 (PRO3) nitong weekend ang hindi bababa sa P2,152,200 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Abucay at Balanga City sa Bataan.
Iniulat ni Bataan police acting director Col. Marites Salvadora kay PRO3 director Brig. Gen Jean Fajardo na ang unang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Abucay police sa Bgy. Capitangan.
Dinakip sina alyas “Alvin” at alyas “Izon,” parehong “high-value targets” (HVI) at mga residente ng Bgy. Bata.
Nakumpiska sa dalawa ang tinatayang 66.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P452,200.
Sa sumunod na operasyon, nahuli ng mga operatiba ng Balanga City police ang isang “high-value individual” (HVI) na kinilalang si “Aldrin,” 28, residente ng Bgy. Bagong Isinilang.
Narekober mula sa suspek ang walong malalaking sachet ng shabu na may timbang na 250 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P1,700,000.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek.
