LUMOBO na sa P2.32 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ayon sa pinakahuling datos ng DA nitong Huwebes, 21.5 porsyento itong mas mataas kumpara sa P1.91 bilyong pinsalang naitala noong Lunes.
Tinatayang 69,615 magsasaka at mangingisda mula sa walong rehiyon ang naapektuhan ng magkakasunod na sama ng panahon.
Pinakamalaki ang tinamong pinsala ng palay, na umabot sa P1.39 bilyon, katumbas ng 59.74 porsyento ng kabuuang agricultural damage. Karamihan sa mga naapektuhang palayan ay nasa vegetative at reproductive stages.
Samantala, nasa P692.21 milyon naman ang pinsala sa high-value crops o 29.83 porsyento ng kabuuang lugi.
Sa kabuuan, 60,896 metriko tonelada ng mga pananim ang napinsala sa tinatayang 62,732 ektarya ng lupang sakahan.
Kabilang sa mga nasirang produkto ang palay, mais, kamoteng kahoy, gulay, spices, legumes, iba’t ibang prutas, root crops, commercial at ornamental plants.
Bukod sa mga pananim, iniulat din ang pinsala sa pangisdaan, livestock at poultry, gayundin sa mga agricultural infrastructure, makinarya at kagamitan.
Kabilang sa mga rehiyong tinamaan ang Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol at Western Visayas.
