PINALALAKAS ng Food Terminal Inc. (FTI) ang pagtatayo ng mga mega food hubs at regional food terminals sa iba’t ibang panig ng bansa upang mapabilis ang pagdadala ng produkto mula bukid hanggang pamilihan, mabawasan ang food wastage, at makatulong sa pagbaba ng presyo ng pagkain.
Ayon sa FTI, bahagi ito ng food security program ng administrasyong Marcos na layong gawing mas moderno at episyente ang food supply chain habang binibigyan ng mas malaking merkado ang mga magsasaka at mangingisda.
Itatayo ang limang Mega Food Hubs sa Clark, Pampanga; Tiaong, Quezon; Manolo Fortich, Bukidnon; Camarines Sur; at Cebu, kasama ang 16 Regional Food Terminals sa buong bansa. Aabot sa ₱20 bilyon ang kakailanganing pondo para sa mga proyekto.
Sinabi ni FTI President Joseph Lo na makatutulong ang mga pasilidad sa pagpapababa ng gastos sa logistics, pagbawas ng post-harvest losses, at paghahatid ng mas sariwa at abot-kayang pagkain sa mga mamimili.
Samantala, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mahalaga ang mga food hubs sa pagpapataas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda habang pinapababa ang presyo ng pagkain para sa mga Pilipino.
