SINIMULAN na ng Department of Education (DepEd) ang pambansang recruitment para sa 10,000 School Counselor Associate I (SCA I) na tutulong sa mental health, psychosocial support, at guidance services sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bahagi ito ng pagpapatupad ng Republic Act No. 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na layong palakasin ang suporta sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Inatasan ang mga Schools Division Office (SDO) na simulan ang pagkuha ng mga aplikante gamit ang Agile Gateway for Appointments and Placements (AGAP) System, habang magtatayo rin ng help desks para sa mga aplikanteng may limitadong access sa internet.
Ang mga SCA I ay magsisilbing katuwang ng mga lisensyadong School Counselor sa pagbibigay ng basic psychosocial support, learner profiling, referral, at iba pang guidance services. Hindi nila papalitan ang Registered Guidance Counselors kundi palalawakin ang access ng mga estudyante sa mental health services.
Kinakailangan sa posisyon ang bachelor’s degree sa Guidance and Counseling, Psychology, o kaugnay na kurso na may kinakailangang units sa behavioral science, kasama ang Career Service Professional Eligibility. Hindi kailangan ang dating work experience o karagdagang training.
