TINATAYANG mahigit ₱22.8 milyong halaga ng mga halaman ng marijuana ang winasak sa loob ng isang linggong kampanya sa Cordillera Administrative Region mula Abril 6 hanggang 12, 2026, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Aabot sa tinatayang ₱22,856,305.00 halaga ang nakumpiskang mga marijuana sa isinagawang 18 operasyon habang isang indibidwal ang naaresto
Sinilaban ng mga awtoridad ang 71,873 ng mga halamang marijuana, 22 punla, at humigit-kumulang 70,610 gramo ng pinatuyong tangkay ng marijuana at mga namumunga.
Karamihan sa mga plantasyon ay matatagpuan sa mga lugar na mahirap puntahan sa Benguet, kung saan ang mga awtoridad ay nakakuha ng humigit-kumulang ₱18 milyong halaga ng marijuana at ang pagkaaresto sa suspek. Sa Kalinga, ang mga halaman ng marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱4.8 milyon ay binunot at sinira rin.
Binigyang-diin ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na mananatiling walang humpay ang mga operasyon, lalo na sa mga kilalang cultivation areas.
“Tuloy-tuloy ang operasyon natin laban sa ilegal na droga, lalo na sa mga pinanggagalingan nito.Kapag sinira natin ang taniman, pinipigilan na natin agad ang pagkalat ng ilegal na droga,” dagdag pa nito.
