LIMANG container ng frozen agricultural products at pagkain mula sa China na aabot sa ₱23.27 milyon ang halaga ng “iligal” na kalakal ang sinubukang ipasok sa bansa.
Ininspeksiyon ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno nitong Lunes, ang laman ng kargamento matapos itong maharang ng ahensiya. Kung saan ay tatlong Pre-Lodgment Control Orders at dalawang Alert Orders ang inisyu bago pa man dumaong ang mga container.
Base sa kanilang dokumento, naglalaman ng Fu Hua Lao Jiang Brand Squid Ball, Fish Tofu, Fish Roe Balls, Qianye Tofu ang container ngunit nang buksan ito, naglalaman ito ng mga peeled at skinless chicken breast, frozen pigeon, Peking duck, frozen duck meat, at iba pang frozen goods na hindi idineklara.
Umabot sa ₱17,030,697.28 ang halaga ng mga natuklasang produkto, kabilang ang ₱6,238,192.46 na dapat sanang binayarang duties at taxes na may kabuuang halaga ₱23,268,889.74 na pinagtakpan ng pekeng deklarasyon.
“Hindi natin hahayaang makalusot ang mga produktong sadyang minamali ang deklarasyon upang umiwas sa mga regulasyon at kaukulang buwis,” matapang na pahayag ni Nepomuceno, na nagpasalamat din kay DA Secretary Francisco Laurel sa tuluy-tuloy na tulong ng ahensya.
Nag-isyu na ng Warrants of Seizure and Detention si Port of Manila District Collector Rizalino Jose C. Torralba laban sa limang shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Food Safety Act of 2013 at posible pang maharap sa mas mabigat na kasong Anti-Agricultural Economic Sabotage Act o large-scale agricultural smuggling.
Patuloy ang BOC at DA sa pagbabantay sa border para protektahan ang mga magsasaka, mamimili, at lehitimong negosyante laban sa mga sindikatong smuggler.
