NASAMSAM ang 2.644 kilo ng high-grade marijuana, o “Kush,” na tinatayang nagkakahalaga ng P3,966,000 na idineklarang shipment bilang “Handcrafted Artificial Flower na naglalaman ng Roses, Jasmine, at Cockscomb Flowers,” ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), kasama ang Philippine National Police—Aviation Security Group (PNP-AVSEG), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI at opisyal ng Barangay sa Dau, Mabalacat Pampanga.
Nakataggap ng impormasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa nakatalagang examiner na magsagawa ng 100% physical examination sa kargamento ngunit sa pagsusuri, natuklasan ng mga awtoridad ang apat (4) na vacuum-sealed na plastic pouch na naglalaman ng mga tuyong dahon at fruiting top na hinihinalang high-grade marijuana.
Agad na kinuha ang mga sample at itinurn-over sa PDEA para sa chemical analysis, na kinumpirma ang substance bilang marijuana.
Isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu para sa shipment dahil sa paglabag sa Seksyon 118(g), 119(d), at 1113 paragraph (f), (i), at (l) (3 at 4) ng R.A. No. 10863, kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. Blg. 9165.
Pinuri ni District Collector Jairus S. Reyes ang matibay na partnership sa pagitan ng BOC—Port of Clark at ng mga ahensyang kasangkot sa operasyon, na nagbibigay-diin sa kritikal na papel ng pakikipagtulungan sa pangangalaga sa mga hangganan ng bansa.
Sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, naging pursigido ang BOC sa kanilang kampanya laban sa pagpupuslit ng iligal na droga at pagpigil sa paglaganap ng ilegal na droga sa mga komunidad, na lubhang mapanganib sa buhay, kaligtasan, at kapakanan ng mga Pilipino
