
TUMATAGINTING na P30 milyong ang panalo ng isang bettor na taga-Laguna sa Mega Lotto 6/45 noong Lunes ng gabi, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sinabi ng PCSO nitong Martes na tinamaan ang winning combination na 01-23-20-16-27-03, na may kabuuang jackpot na P30,221,261.80.
Ayon sa PCSO, ang tiket ng nanalo ay binili sa isang lotto outlet sa Calamba, Laguna.
Samantala, 57 na bettors ang nanalo ng ikalawang premyo at makakatanggap ng P32,000 bawat isa para sa tamang paghuhula ng limang numero, habang 2,010 na manlalaro ang makakatanggap ng P1,000 bawat isa para sa apat na tamang numero.
Ang lahat ng mga nanalo ay may isang taon mula sa petsa ng draw para i-claim ang premyo, ayon sa Republic Act 1169 o ang batas ukol sa mga lottery ng PCSO.