INARESTO ng pulisya noong Miyerkules ang isang lady guard na tinaguriang “high-value target” kasunod ng pagkakakumpiska ng humigit-kumulang P4.8 milyong halaga ng shabu sa isang anti-illegal drugs operation sa Taguig.
Kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang naarestong suspek na si Sherhana Hatae alyas “Sherhana,” 33, ng San Jose, Guadalupe, Makati City.
Si Hatae ay nahuli ng mga operatiba ng Taguig City Police Station sa Cabasan St., Bgy. South Signal dakong 11:45 p.m. noong Miyerkules.
Nasamsam ang tatlong knot-tied plastic bag na naglalaman ng 708.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P4,817,800, ang buy-bust money na binubuo ng genuine P1,000 bill at 49 na piraso ng P1,000 boodle money, at ang isang paper bag.
Sinabi ng mga awtoridad na matagal na nilang minamanmanan ang suspek.
Ang nadakip na suspek ay sinasabing konektado sa isang alyas na “Prinsesa” na nahuli kamakailan sa Laguna dahil sa iligal na droga.
