
PORMAL na tinanggap ng mga lider ng Kamara, sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang 2025 National Expenditure Program (NEP) na nagkakahalaga ng Php 6.352 trilyon.
Ayon kay House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co, napakahalaga ng NEP na binuo ng Department of Budget and Management (DBM) na pinamumunuan ni Secretary Amenah Pangandaman.
“Ang mungkahing badyet na ito ay kumakatawan sa 10.1 porsyentong pagtaas mula sa nakaraang taon at katumbas ng 22.0 porsyento ng ating Gross Domestic Product. Ito’y patunay ng ating kolektibong determinasyon na paunlarin ang ekonomiya, tiyakin ang progresong panlipunan, at katatagan ng ating mga mamamayan,” ani Co.
Nilinaw ng mambabatas na ang mungkahing 2025 badyet ay hindi lamang isang pinansyal na plano kundi isang estratehikong roadmap na nakahanay sa Philippine Development Plan 2023-2028. Nakatuon ito sa pagpapahusay ng kapakanan ng mga indibidwal at pamilya, pagpapalakas ng produksyon upang lumikha ng mga dekalidad na trabaho, at paglinang ng isang kapaligiran para sa ating mga institusyon at kalikasan, dagdag niya.
Sa pagsusuri ng mungkahing badyet, sinabi ni Co na isasaalang-alang ng Kongreso ang ilang pangunahing elemento, kabilang ang pagkakaroon ng sapat na fiscal resources, kahandaan ng mga programa at proyekto para sa pagpapatupad, kakayahan ng mga ahensya sa wastong paggamit ng pondo, at pagkakahanay sa mga prayoridad ng paggasta.
“Dapat nating tiyakin na ang bawat piso ay nailalaan sa mga inisyatiba na mag-aangat sa buhay ng ating mga kapwa Pilipino, magpapabuti sa ating imprastruktura, magpapalakas sa ating sistema ng edukasyon at kalusugan, at magpapatatag sa kinabukasan ng ating bansa,” diin niya.
Umapela si Co sa mga kapwa mambabatas na sundin ang prinsipyo ng transparency, accountability, at fiscal responsibility sa pagtalakay ng badyet. “Napakahalaga na ating suriin ang bawat alokasyon nang maingat upang matiyak ang pinakaepektibong paggamit ng ating limitadong resources,” aniya.
Ang turnover ng NEP ay nagpapahiwatig ng simula ng masusing mga talakayan sa badyet na naglalayong tugunan ang mga pinakamahalagang pangangailangan ng bansa at pagkakahanay sa bisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa masaganang Pilipinas, ayon kay Co.