
Camp BGen Vicente P Lim – NASABAT sa isang High-Value Individual (HVI) ang PhP680,000.00 halaga ng hinihinalang shabu sa drug bust ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor Component City Police Statio bandang 4:15 ng hapon ngayong Abril 9, 2025, sa Brgy. San Nicolas 3, Bacoor City, Cavite.
Tinukoy ng mga awtoridad ang naarestong suspek na si alyas “Marcelino,” 45, at residente ng Brgy. Digman, Bacoor City, Cavite.
Nasamsam ang 3 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na tumitimbang ng 100 gramo na tinatayang halagang PhP680,000.00; isang supot; isang sling bag at drug money mula sa naarestong suspek.
“Kahit panahon ng bakasyon, hindi titigil ang ating mga pulis dito sa PRO 4A sa pagsasagawa ng mga operasyon laban sa iligal na droga. Patuloy naming gagawin ang aming mandato upang masigurong ligtas ang ating mga komunidad sa anumang anyo ng kriminalidad,” ayon kay PBGen Paul Kenneth T Lucas, Regional Director ng PRO CALABARZON.
Kasalukuyang nakakulong ang naarestong suspek sa Bacoor CPS Custodial Center para sa kaukulang disposisyon, habang inihahanda na sa korte ang mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 na kilala rin bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.