NAKIPAGPULONG kahapon ang Komite ng Basic Education and Culture, sa Kapulungan ng mga Kinatawan na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo sa Department of Education (DepEd), at Commission on Higher Education (CHED) upang talakayin ang pagpapatupad ng Senior High School (SHS) Voucher Program sa mga unibersidad, at kolehiyo ng estado (SUCs) at mga lokal na unibersidad at kolehiyo (LUCs).
Ang pagdinig ay isinagawa matapos maglabas ang CHED ng isang memorandum na nag-uutos na itigil ang SHS sa SUCs at LUCs, kasunod ng paglipas ng pansamantalang mga probisyon ng Republic Act No. 10533, o ang “Enhanced Basic Education Act of 2013,” at sa abiso ng DepEd na wala nang SHS voucher program para sa mga SUC at LUC simula School Year (SY) 2023-2024, maliban sa mga papasok sa Grade 12.
Ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary Michael Poa na sa kabila ng abiso ng ahensya, mayroong mga SUC at LUC na nagpatuloy sa pagpasok ng mga mag-aaral sa Grade 11.
Iniulat niya na ipinag-utos ni Bise Presidente at kasalukuyang DepEd Secretary Sara Duterte na ipagpatuloy ang voucher program hanggang sa makapasok sa Grade 12 ang natitirang 17,751 mga mag-aaral ng Grade 11.
Dagdag pa ni USec. Poa, yaong mga hindi makapasa sa Grade 11 ay diskuwalipikado sa voucher program. Binanggit ni CHED Chairman Prospero De Vera III na may mga SUC at LUC na nagpahayag ng kanilang intensyon na tumulong sa pagpapatupad ng SHS.
Ayon kay USec. Poa, lilinawin din ng DepEd kung pinahintulutan ng SUCs at LUCs na magkaroon ng laboratory school sa ilalim ng kanilang charters, at maipagpapatuloy ang SHS nang walang voucher program.
Tiningnan din ng Komite ang umano’y “hostage” ng bilyong pisong halaga ng mga materyales sa pag-aaral ng Transpac Cargo Logistics Incorporated.
Iniulat ni USec. Poa na 99.05 prosiyento ng mga materyales na ito ay nahakot na mula sa mga bodega ng Transpac patungo sa mga tanggapan ng dibisyon ng DepEd, at ang natitira ay ihahatid sa loob ng isang linggo.
Idinagdag niya na 23% ng mga hinatak ay naihatid na sa mga paaralan, at target ng DepEd na makumpleto ang lahat ng paghahatid sa unang kuwarto ng 2024.
Tinunton ng Komite ang ugat ng mga pagkaantala sa paghahatid, pati na ang iba’t ibang ligal na interpretasyon ng DepEd at Transpac sa mga pagbabayad.
Ipinunto ni ACT Teachers Rep. France Castro na ang House Resolution No. 1516 ay inihain, na nag-uutos sa mga Komite ng Public Accounts at Basic Education and Culture na imbestigahan ang bagay na ito.
Hiniling ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez sa DepEd na isumite ang kanilang kasunduan sa balangkas, at itigil ang mga kontrata sa transaksyong ito, at para sa Transpac na magsumite ng mga dokumento sa pag-bid at pinansiyal na pahayag nito para makatulong sa imbestigasyon