GAGAMITIN ng prosekusyon bilang ebidensya ang mga pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta sa paglilitis sa Sandiganbayan First Division kaugnay ng kasong paglabag sa batas laban sa pagtanggap at pagbibigay ng regalo, ayon sa korte nitong Martes.
Nahaharap si Marcoleta at negosyanteng si Aristotle Viray sa mga kaso sa ilalim ng Presidential Decree No. 46 (PD 46), na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo at sa mga pribadong indibidwal na magbigay nito.
Tatlong kaso sa ilalim ng PD 46 ang kinakaharap ni Marcoleta kaugnay ng umano’y ₱75 milyong donasyong natanggap niya noong nagsisilbi pa siyang party-list lawmaker. Kabilang dito ang umano’y ₱20 milyong ambag mula kay Viray.
Sa pagdinig, tinanong ni Associate Justice Juliet Manalo-San Gaspar ang prosekusyon kung ihaharap nito sa korte ang video na naglalaman ng mga pahayag ni Marcoleta.
Sinabi ni Prosecutor Marichelle Corpuz na isusumite ang video kapag iniharap na ng prosekusyon ang testigo mula sa Field Investigation Office ng Office of the Ombudsman na nagsuri sa naturang recording.
Sa kanyang programa sa NET25 na “Sa Ganang Mamamayan” noong Nob. 8, 2025, sinabi ni Marcoleta na tumanggap siya ng campaign contributions mula sa kanyang mga “kaibigan,” ngunit hiniling umano ng mga ito na huwag ibunyag ang kanilang mga pangalan.
Ang naturang mga pahayag ang kabilang sa ginamit ng mga prosecutor bilang batayan sa pagsasampa ng kaso laban kay Marcoleta at sa mga umano’y nagbigay sa kanya ng donasyon.
Sa pagdinig sa First Division, sinabi naman ng abogado ni Marcoleta na si David Gabriel na wala silang pagtutol sa pag-stipulate o pagkilala sa authenticity ng video.
“Katulad sa ibang korte, mag-i-stipulate kami sa authenticity ng video,” ani Gabriel.
Noong Lunes, pumayag din si Marcoleta, sa pamamagitan ni Gabriel, na kilalanin ang authenticity ng video ng kanyang mga pahayag na iniharap sa pagdinig sa kanyang petition for bail sa hiwalay na plunder case sa Sandiganbayan Third Division.
Kasalukuyang nakakulong sina Marcoleta at ilan sa mga tinukoy na umano’y donor sa New Quezon City Jail sa Barangay Payatas kaugnay ng plunder case.
Bukod kay Viray, kabilang sa mga tinukoy na umano’y donor ni Marcoleta sina dating Rep. Mike Defensor at negosyanteng si Joseph Espiritu.
