KATARUNGAN ang hiling ngayon ng pamilya ng napaslang na suspek sa di-umano’y engkwentro sa pagitan ng pulisya sa bahagi ng tulay ng Tiaong sa Quezon at San Juan , Batangas bandang alas 6:30 ng gabi noong Martes.
Si Bryan Laresma, o mas kilala bilang “Balot,” 33anyos ,na residente ng Bgy. San Isidro sa Candelaria, Quezon ay napatay ng mga awtoridad sa naganap na shootout, isang araw bago ang araw ng pagtatapos ng kanyang anak noong Mayo 29.
Sinabi ni Adrian Laresma, kapatid ni Bryan, na nais nilang makamit ang katarungan para sa pagkamatay ng kanilang kapatid.
Sa panayam ng mga mamamahayag kay Adrian aniya, “Magkikita po kami ng kapatid ko sa araw na iyon para iabot sa kanya ang pambili ng solar fan na ireregalo niya sa graduation ng kanyang anak. Kitang-kita ko po nung binaril na walang kalaban-laban ang kapatid ko,” .
Dagdag pa ni Adrian, si Bryan ay pababa na sa kanyang motorsiklo nang barilin ng isang pulis na nakatalaga sa San Juan Municipal Police Station.
“Pababa po ng kanyang motor ang kapatid ko nang biglang barilin ng pulis San Juan. Wala naman pong bentahan akong nakita. Bigla na lang pong binaril ang kapatid ko sa hita,” dagdag pa ng kapatid na si Adrian, na kasama rin sa lugar.
Si Bryan ay namatay dahil sa pagkaubos ng dugo habang dinala sa San Juan District Hospital.
“Ang nakakapagtaka po, may ospital na malapit sa pinangyarihan pero bakit po sa malayong ospital dinala ang aking kapatid,” sabi ni Adrian.
“Yun pong pinangyarihan ay sa Tiaong, ngunit bakit po ang San Juan police ang nag-operate,” dagdag ni Adrian, na siyang pinatunayan naman ni chairman Rico Macaraig ng Bgy. del Rosario, Tiaong, Quezon.
Sinabi ng tiyuhin ni Bryan, si Nelson Dimailig, dating chairman ng Bgy. Bantilan sa Sariaya, Quezon na hihingi sila ng tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa re-autopsy ng katawan ng kanyang pamangkin at maging sa Commission on Human Rights (CHR) upang mabigyan ng katarungan si Bryan.
“Ako po ay nagpapakulong kahit ng kamag-anak na lumalabag sa batas. Pero sa pangyayaring ito, humihingi po kami ng katarungan,” sabi ng dating punong-bayan.
Ayon kay Dimailig, naiwan ni Bryan ang kanyang asawa at pitong anak.
Samantala, ayon sa ulat ng pulisya ng San Juan, nakumpiska mula sa pinatay na suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng 5 gramo na hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, ang P500 buy-bust money, at isang cal. 38 na may dalawang cartridges at apat na bala.
