INAPRUBAHAN na ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang committee report para sa substitute bill na nagsusulong ng komprehensibong programa para sa mga returning Overseas Filipino workers (OFWs) na kikilalanin bilang “Bagong Balikbayan Act” sa pagpupulong ng komite ngayong araw, Hunyo 2.
Kabilang ang inakda ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na House Bill 11130: An Act Providing for an Integrated Reintegration Program for Overseas Filipino Workers Returning to the Philippines, sa mga bumubuong panukalang-batas ng naturang substitute bill.
“Panahon na para tayo ay magpatupad ng isang komprehensibo, integrated, at sustainable na reintegration program para sa ating returnee-OFWs,” pahayag ni Rep. Magsino sa committee meeting. “Hindi sapat at hindi pangmatagalan ang kasalukuyang sistema upang tunay na makapagsimulang muli ng buhay sa Pilipinas ang ating mga OFWs.” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Magsino na batay sa datos ng UN International Organization for Migration (IOM), 87% ng mga OFW returnees ay nanatiling walang makitang trabaho sa loob ng tatlong buwan pagkabalik sa Pilipinas, at 96% ang hindi nakatanggap ng anumang reintegration assistance mula sa pamahalaan na malinaw na ebidensya ng kakulangan sa kasalukuyang sistema.
Ayon kay Magsino, hangad ng panukalang-batas na tugunan, hindi lamang ang mga pangkabuhayan at pang-ekonomiyang pangangailangan ng returning OFWs, kundi pati na rin ang mga reintegration issues patungkol sa social, psychosocial, gender-responsiveness, at cultural needs, anuman ang kanilang typology o documentation status, at sa lahat ng antas ng kanilang migration cycle, mula pre-departure, on-site at hanggang sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Mandato rin ng HB 11130 ang pagsasagawa ng job fairs, entrepreneurship at livelihood development programs, skills training, low-interest loans, at tax incentives para sa mga negosyo ng OFWs. Dagdag pa rito, mungkahi ng panukala ang pagkakaroon ng social protection mechanisms sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD), upang matiyak na kasama sa programa pati ang mga OFWs na napauwi dahil sa kaso ng illegal recruitment, job displacement, at health issues.
Iginiit ni Magsino na sa buong proseso ng labor migration, ang bahagi ng pagbabalik sa Pilipinas ang pinaka-kritikal para sa ating mga OFW.
“Kailangang tiyakin ang pagkakaroon nila ng financial independence, personal well-being, at ang pagkabuhay muli ng kanilang mainit na relasyon sa kanilang mga pamilya at pakikitungo sa kani-kanilang pamayanan.”
Nanawagan si Rep. Magsino sa kanyang mga kapwa mambabatas na pagtibayin ang panukalang ito upang wakasan na ang mga panandaliang solusyon, at simulan ang pangmatagalang pagbabago para sa ating mga bagong bayani.
