DININIG ng House Committee on Transportation ang panukalang “Revised Philippine Coast Guard Law” na naglalayong palakasin ang kakayahan, organisasyon, at kapakanan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Suportado ito ni FPJ Panday Bayanihan Rep. Brian Poe ang kanyang mga kasamahan sa Kamara at ang mga grupong nagsusulong ng batas na aniya’y mahalaga para sa seguridad at kaunlaran ng bansa.
Ayon kay Poe, malaking papel ang ginagampanan ng Philippine Coast Guard sa pagprotekta sa mga mangingisda, pagpapanatili ng seguridad sa karagatan, pagsasagawa ng search and rescue operations, pagtugon sa kalamidad, at paglaban sa smuggling at human trafficking.
“Sa araw-araw, nasa frontline ang Philippine Coast Guard sa pagprotekta sa ating mga mamamayan at sa ating karagatan,” ani Poe.
Binigyang-diin din ng representante na matagal nang nahaharap ang PCG sa kakulangan sa manpower, modernization, operational reach, at institutional support, dahilan upang maging mahalaga ang pagpasa ng naturang panukala.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, palalakasin ang organizational structure ng PCG, pati na rin ang kanilang operational at technical capabilities. Layunin din ng panukala na paigtingin ang maritime law enforcement at environmental protection functions ng ahensya.
Kasama rin sa Revised PCG Law ang pagpapabuti ng welfare system ng mga tauhan ng PCG sa pamamagitan ng dagdag na benepisyo, mas maayos na retirement system, educational assistance para sa pamilya ng mga nasawing personnel, at iba pang support mechanisms.
Ayon kay Poe, hindi lamang usapin ng transportasyon ang pagpapalakas sa Coast Guard kundi mahalagang bahagi rin ng national security, economic security, disaster resilience, proteksyon sa kapaligiran, at seguridad sa pagkain ng bansa.
Mahalaga rin ang pagbibigay sa Philippine Coast Guard ng sapat na suporta, kagamitan, at pagsasanay upang epektibo nitong magampanan ang mandato sa gitna ng lumalaking hamon sa karagatan.
