Parish priest na nawawala, natagpuan sa Silang sa Cavite

DININIG ang panalangin ng mga Caviteno makaraang matagpuang buhay habang nakagapos naman ang kamay ng parish priest ng Most Holy Rosary Parish  Church  na nawala noong Biyernes ng umaga.

Hindi pa halos makapagsalita si Rev.Phem Octavo Peregrino, 58 anyos  ng matagpuan ito at ang kanyang sasakyang puting Mitsubishi Adventure sa Barangay Lumil, sa Silang kahapon ng tanghali.

Agad na dumulog sa himpilan ng pulisya ang kapatid nitong si Joel Peregrino matapos mawala ng paring kapatid ng halos 2 araw.

Matatandaan na nagpaalam ang pari bandang alas-9:30 ng umaga noong Biyernes na bibili siya ng kandila ngunit mula noon ay hindi na ito nakabalik pa.

Araw na ng Linggo ng matagpuan ng mga residente ng Silang, Cavite ang nawawalang pari at ang kanyang sasakyan.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pangyayari sa likod ng pagkawala nito habang nagpapagamot pa sa ospital ang pari dahil nasa state of shock pa ito.