HUDYAT ng pagbangon ng pelikulang Pilipino mula sa pandemya ang pelikulang “Rewind,” na umani ng higit P800 milyon sa Metro Manila Film Festival (MMFF) para maging “highest grossing film ever.”
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, na nagsabi rin na isa itong maganda at magaang balita sa gitna ng maiinit na usapin sa gobyerno at pulitika.
“This achievement is a testament to the return of a vibrant and flourishing Philippine film industry – attributed to the hard work and commitment of artists, writers, directors, and all members of the production teams,” aniya sa Senate Resolution 909.
Binati rin niya ang lahat ng mga artista, producer, direktor, manunulat, at lahat ng mga nasa likod ng pelikulang “Rewind” na pinagbidahan ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera-Dantes.
Naghatid papuri din siya tagumpay ng pelikulang “Rewind” na obra ni Direktor Mae Cruz-Alviar.
Sa kanyang resolusyon, ipinunto ni Padilla ang dagok sa industriya ng pelikulang Pilipino dulot ng pandemya noong 2020 kung saan nagsara ang mga sinehan.
Nagagalak din siya na ang MMFF 2023 ay ang “highest-grossing edition of all time,” at malaking dahilan nito ang sipag ng mga artista, writer, direktor at production teams.
Dagdag ni Padilla, inspirasyon si Dingdong at Marian hindi lamang sa pelikula kundi sa tunay na buhay, na isinusulong ang “family values, entrepreneurship at philanthropic deeds.”
“Recognizing this victory as well as the people behind it proves our pride and gratitude to those who relentlessly work to contribute to the evolution of the country’s cinematic landscape,” aniya.