HANDA nang mag-repatriate ang gobyerno ng Pilipinas sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng lumalalang tensyon sa Lebanon, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac.
.Sinabi ni Cacdac “Handa kami, nakahanda kaming tumulong sa kanilang pagbabalik,” ito ay dahil sa tumataas na tensyon sa pagitan ng Israel at mga Hezbollah militants sa Lebanon.
Inalok rin nito ang mga Pinoy na may mga dokumento man o wala na nagnanais ng boluntaryong repatriation mula sa gobyerno ay makakatanggap ng kinakailangang tulong, kabilang ang mga voucher para sa libreng mga kurso sa pagsasanay mula sa mga TESDA-accredited na institusyon.
Ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang magiging responsable sa pagpapadali ng trabaho maging ang pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Tourism (DOT) sa mga OFW na nais pasukin ang mga industriya ng agrikultura o turismo.
“Itong boluntaryong repatriation mode. Kaya’t lahat sila ay nasa proseso pa ng pagdedesisyon, ngunit ang panawagan ng Ambassador noong nakaraang linggo ay upang sabihin sa kanila na ‘pakiusap, magdesisyon na kayong umuwi’ dahil maaaring lumala pa ang sitwasyon. May tensyon sa nasabing bahagi ng mundo,” diin ni Cacdac.
“Kaya, umaasa tayo na hindi na lumala pa ang sitwasyon. Ngunit kung sakaling may tawag na para sa repatriation, tulad ng sinabi ko, handa kami sa aming mga plano para sa krisis,” dagdag pa niya.
Ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay magbibigay ng kinakailangang pagsasanay kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga OFW na nagnanais magtayo ng negosyo pagbalik nila sa Pilipinas.