NALAMBAT ng mga operatiba ng CIDG ang isang 72-anyos na umano’y albularyo matapos makumpiskahan ng tatlong hindi lisensiyadong baril sa Barangay Pasong Kawayan I, General Trias City, Cavite.
Kinilala lamang sa alyas na “Nilo” ang suspek na nahulihan ng isang kalibre .45 pistol, isang kalibre .357 revolver, isang kalibre .22 revolver, kasama ang mga magazine at bala sa isinagawang search warrant operation noong Hulyo 29.
Ayon sa pulisya, walang kaukulang permit o lisensya ang suspek para magmay-ari ng mga armas kaya agad itong inaresto at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa imbestigasyon, napag-alamang nagbebenta umano ang suspek ng mga agimat na sinasabing panangga sa bala. Iniuugnay rin siya sa pagpapaputok ng baril sa publiko bilang umano’y demonstrasyon ng bisa ng kanyang mga ibinebentang agimat, bagay na nagdulot ng pangamba sa mga residente.
Patuloy namang nagsasagawa ng operasyon ang PNP laban sa mga loose firearms upang maiwasan ang paggamit ng mga ito sa krimen at mapanatili ang kaligtasan ng publiko.
