February 29, 2024

Polisiya kontra fixer muling ipinaalala sa mga empleyado ng LTO

Ni Chris Lucas

NAGPALABAS ng memorandum si Land Transportation Office-National Capital Region – West (LTO-NCR WEST) Director Roque Versoza III na nanawagan sa lahat ng District Head ng ahensya na ipaalala sa kanilang nga tauhan ang patakaran ng LTO kontra sa nga fixers. Ito ay bunsod na rin ng mga reklamo kamakailan na nagpapahiwatig na laganap ang mga fixers sa mismong  bakuran ng ahensya

Ayon kay Versoza, ang anti-fixer policy ng LTO ay nakapaloob sa Republic Act 9485 o mas kilala bilang Anti Red Tape Act of 2007 at naamyendahan ng Republic Act 11032 o yung Ease of Doing Business and Efficienct Government Service Delivery.

Base sa memo, inaatasan ang lahat ng District Head na magsagawa ng routine inspections sa kanilang mga tanggapan at nasasakupan upang matiyak na nakasusunod sila sa polisiya. Gayundin, kailangan nilang magsumite ng compliance report kada unang Lunes ng buwan.

Iginiit ni Versoza na kailangang paiigtingin pa ang laban kontra sa mga fixer dahil labis umanong winawasak ng mga ito ang kredibilidad at imahe ng ahensya.

Ayon pa sa memorandum, magsasagawa ng random at surprise inspection ang Regional Office at tyak na mapaparusahan at sasampahang ng kasong administratibo at kriminal ang sinumang mahuhuling lumalabag.

Gayundin naman, nanawagan din si Versoza sa publiko na huwag tangkilikin ang llegal na serbisyo ng mga fixer dahil pinagkakaperahan lamang sila ng mga ito at sa huli, ang talo ay ang publiko.