Posibleng solusyon sa epekto ng gyera ng Ukraine at Russia sa krudo, pinaghahandaan
Ni Crema Limpin

KUNG magtatagal pa ang gyera sa bansang Ukraine at Russia hindi malayong umabot sa US $130 ang bawat bariles ng krudo sa world market,ito ang tinitingnang magiging epekto nito .
Mungkahi ng way and means committee ng Kamara, agarang paghahanda sa nakaambang dagok sa inaasahang paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado sa sandalling patawan ng economic sanction ang bansang Russia sa pananakop nito sa bansang Ukraine.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, higit na angkop na ikonsidera ng pamahalaan ang kanilang inilatag na limang solusyon sa hangaring ibsan ang epekto ng sigalot ng dalawang bansang kapwa malaki ang ambag sa suplay ng langis sa global market.
Kabilang ssa kanyang isinusulong na hakbang ang pagpapatawag ng special session ni Pangulong Rodrigo Duterte sakaling manatili sa $100 kada bariles ang presyo ng langis sa susunod ba buwan, batay sa dikta ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC).
“First, we need to draw a line in the sand in terms of the fuel excise tax. If crude oil prices are still at USD 100 by March 15, President Duterte should call for a special session to consider options for the reduction or suspension of the fuel excise taxes under the TRAIN Law,” ani Salceda.
Isinusulong rin ang pagbibigay pahintulot sa mga public transportation para sa full capacity ng mga pampaseherong sasakyan tulad ng mga bus at dyip sa lansangan. Sa ngayon, 50% passenger capacity lamang ang pinaiiral ng Department of Transportation sa mga public transportation.
Dapat din aniya ang mas mahigpit na pagbabantay kontra hoarding ng mga kumpanya ng langis, kalakip ng isang executive order na mula mismo sa Palasyo, kasabay ng direktibang magtatalaga sa Department of Energy (DOE), Department of Trade and Industy (DTI) at Philippine Competition Commission para sa strict monitoring ng lokal na merkado. “Fourth, I recommend the tapping of the Contingency Fund (around Php 4.5 billion of which can be used for subsidies in the 2022 budget), the President’s Socio-Civic Fund (around P3 billion remitted by PAGCOR in 2021), on top of the proposed P1 billion fuel voucher subsidy promised by the Development Budget Coordinating Committee,” pahayag ng solon.
Malaking tulong rin aniya kung pahihintulutan ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na magdeklara ng “economic state of calamity” sa mga lokalidad na lubhang umaasa sa mga produktong petrolyo, sakaling pumalo sa $130 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Sa datos ni ipinrisinta ni Salceda, lumalabas na 12% ng global supply ng langis ay mula sa bansang Russia.