IPATATAWAG ng House prosecution ang mga kinatawan ng pitong bangko, insurance at financial companies sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang direktang maiprisinta at mapatunayan ang mga financial record na bahagi ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban sa bise presidente.
Inaprubahan nitong Huwebes ng Senate impeachment court ang kahilingan ng prosecution para sa pag-isyu ng subpoena sa mga kinatawan ng mga naturang institusyon, gayundin sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ihaharap ang kinatawan ng BIR sa Oktubre 5, habang nakatakda namang tumestigo ang mga kinatawan ng mga bangko, insurance at financial companies sa Oktubre 6.
Kabilang sa mga bangkong ipapatawag ang Land Bank of the Philippines, Asia United Bank, Philippine Savings Bank, Metropolitan Bank and Trust Co. (Metrobank), Bank of the Philippine Islands (BPI), Philippine National Bank (PNB), at BDO Unibank.
Samantala, kabilang sa mga insurance at financial companies ang Prudential Life, Allianz, Manufacturers Life Insurance Co. (Manulife), FWD Life Insurance, BPI-AIA Life Assurance Corp., BDO Securities Corp., at BDO Life Assurance Co.
Ang hakbang ay kasunod ng pagsusumite ng malalaking bulto ng financial records ng mga bangko bilang tugon sa mga subpoena na inilabas ng impeachment court.
Kasama sa mga dokumentong ito ang mga rekord na may kaugnayan kay Duterte, sa kanyang asawang lawyer na si Manases Carpio, at sa mga kumpanyang iniuugnay sa kanila.
Ayon sa prosecution, kailangang maitatag sa impeachment court ang pagiging tunay at pinagmulan ng mga rekord kung hindi magkakaroon ng kasunduan ang magkabilang panig na tanggapin ang kanilang authenticity.
Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na maaari nilang iharap ang mga opisyal ng bangko upang isa-isang patunayan ang mga dokumento.
“We will have to present the bank records piece by piece, bank by bank,” ani Ridon.
Kabilang sa mga dokumentong kailangang patunayan ang authenticity ng bank records, pagkakaroon ng mga account at mga halagang nakasaad sa naturang mga rekord.
Una nang naghain ang prosecution ng 104 Request for Admission na naglalayong kumpirmahin ang authenticity ng mga subpoenaed bank records at ang pagmamay-ari sa mga account na nakasaad sa mga dokumento.
Gayunman, pinaboran ng impeachment court ang pagtutol ng depensa at pinasiyahang hindi maaaring pilitin si Duterte na sagutin ang Request for Admission, dahil sa kanyang constitutional right laban sa self-incrimination.
Dahil dito, sinabi ng prosecution na hindi nito tatalikuran ang paggamit sa mga financial record bilang ebidensya at sa halip ay gagamit ng mga testigo mula mismo sa mga institusyong naglabas ng mga dokumento.
Nauna nang nakatanggap ang prosecution ng kopya ng bank at tax records na isinumite sa impeachment court para kina Duterte, Carpio at kanilang mga kumpanyang may kaugnayan sa mga dokumento.
Bahagi ang mga rekord ng ebidensyang inihaharap sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa mga alegasyon hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman, financial transactions, mga interes sa negosyo at mga kaugnay na deklarasyon.
Patuloy namang inilalatag ng prosecution ang documentary evidence nito, kabilang ang mga property record na may kaugnayan kina Duterte at Carpio.
Nakatakda rin namang tumestigo si Anti-Money Laundering Council Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura hinggil sa mga financial transaction record.
Samantala, nananatili sa depensa ang pagkakataong kuwestiyunin ang mga dokumento at ebidensyang ihaharap ng prosecution habang nagpapatuloy ang impeachment trial.
