PATAY sa pananambang ang isang propesor sa unibersidad noong Martes ng gabi makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa Cotabato City.
Sinabi ni Cotabato City police director Col. Jibin Bongcayao na ang napatay ay si engineer Israel Angas, isang propesor sa Notre Dame University’s College of Engineering and Computer Studies.
Si Angas ay residente ng Bgy. Rosary Heights 3, at minamaneho ang kanyang puting sports utility vehicle (NAU-8252) pauwi sa Nayon Shariff, RH-3, nang paputukan siya ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na patungo sa kabilang direksyon bandang alas-6 ng gabi ng Martes.
Isinugod ng mga tanod at boluntaryo ng barangay si Angas sa ospital, kung saan idineklara itong dead on arrival.
Narekober ng mga rumespondeng awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang hindi bababa sa 12 basyo ng bala at slug mula sa isang cal. .45 pistol.
Tinutugis ng mga awtoridad ang mga armadong lalaki at iniimbestigahan ang motibo sa pamamaslang.
