SAN JOSE, CAMARINES SUR — NAPUTOL ang kaliwang kamay ng isang pulis matapos siyang atakihin at tagain ng isang lalaking armado ng bolo habang rumeresponde sa insidente ng pag-aamok sa Barangay Calalahan nitong Sabado ng tanghali.
Ayon sa San Jose Municipal Police Station (SJMPS), nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen dakong alas-11 ng umaga hinggil sa isang 38-anyos na lalaki na umano’y nagwawala at may dalang bolo sa Zone 2 ng barangay.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga pulis at unang sinubukang kausapin at pakalmahin ang lalaki upang maiwasang lumala ang sitwasyon. Ayon sa ulat, sinasabing may problema sa pag-iisip ang suspek.
Gayunman, habang isinasagawa ang negosasyon, bigla umanong sumugod ang lalaki at inatake ang mga pulis. Sinunggaban nito si Police Staff Sergeant Noli Miraña, 42.
Sa gitna ng komosyon, natumba si Miraña at dito umano siya tinaga ng suspek gamit ang bolo. Matindi ang tama sa kaliwang kamay ng pulis na naging dahilan upang ito ay maputol.
Napilitan namang gumanti ang mga kasamahang pulis at pinaputukan ang suspek. Tinamaan ito sa hita at agad na isinugod sa ospital, kasama ang sugatang pulis.
Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang dalawa habang naka-hospital arrest ang suspek.
Inihahanda naman ang mga kasong homicide, alarm and scandal, at grave threats laban sa lalaki kaugnay ng insidente.
