PINAWALANG- SALA ng isang korte sa Quezon City ang dalawang television producers sa kasong sexual harassment na isinampa ng Abs-Cbn news anchor na si Gretchen Fullido kaugnay ng reklamong inihain noong 2018.
Sa 91-pahinang desisyon na inilabas nitong Biyernes, Agosto 28, sinabi ni Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 32 Judge Angeli Albana-Garrido na nabigo ang prosekusyon na mapatunayan nang lampas sa makatwirang pagdududa o beyond reasonable doubt ang mga alegasyon laban kina Cheryl Favila at Maricar Asprec.
Kinasuhan ang dalawa sa ilalim ng Republic Act No. 7877 o Anti-Sexual Harassment Act of 1995 kaugnay ng reklamo ni Fullido.
Binigyang-diin ng korte na sa mga kasong kriminal, kinakailangang mapatunayan ng prosekusyon ang bawat elemento ng krimen nang lampas sa makatwirang pagdududa.
Anumang makatwirang pagdududa ay dapat ding pumanig sa akusado.
“It is well-established in jurisprudence that in criminal law, all doubts should be resolved in favor of the accused,” bahagi ng desisyon.
Ayon pa sa korte, naaayon ito sa constitutional presumption of innocence, kung saan itinuturing na inosente ang isang akusado hangga’t hindi napapatunayang nagkasala.
Dahil dito, tuluyang pinawalang-sala sina Favila at Asprec sa kasong sexual harassment sa lugar ng trabaho.
“Wherefore, premises considered, accused Chery C. Favila and Maricar P. Asprec are hereby acquitted for the crime of Sexual Harassment in the Workplace under R.A. No. 7877 for Criminal Case No. 19-05659-CR based on reasonable doubt,” ayon sa ruling.
