May 27, 2024

The Insider News

Direct from the source

ResBakuna Kids sa Splash Island

Ni Cyrill Quilo

NAKIISA ang tanyag na Splash Island Resort sa programang Resbakuna para sa mga batang edad 5 hanggang 11 upang makatulong na higit  pang mapalakas ang bakunahan sa lungsod ng Binan sa Laguna.

Katuwang ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Arman Dimaguila, ginanap ngayong araw ng Miyerkules  ang bakunahan sa tanyag na water park upang mas lalong mahikayat ang mga bata na magpabakuna.

Masaya ring ipinahayag ni Mayor Dimaguila na ang lahat ng batang nagpabakuna laban sa COVID-19 kahapon ay libre ng isang taon sa pagligo sa resort.

Ani Dimaguila, target nilang makapagpabakuna ng 5,000 bata bawat linggo upang maproteksiyunan ang mga ito sa nakamamatay na virus.

Nasa tatlong vaccination sites na ang binuksan ng pamahalaang lungsod ng Binan – ang Splash Island, Southwoods Mall at Alberto Mansions – na pangunahing inilaan para sa mga batang may comorbidity.

Ayon naman kay Sonny Torres, may-ari ng Splash Island, ang lahat ng kanilang mga empleyado ay pawang bakunado na at handang tumanggap ng mga bisita mula sa ibat-ibang lugar.

Ang Splash Island ay muling binuksan sa publiko makaraan ang dalawang taong na pagsasara  dulot ng pandemya.