
PANSAMANTALANG nakalaya ang aktres at komedyanteng si Rufa Mae Quinto matapos makapagpiyansa ng P1.7M para sa 14counts na paglabag sa Securities Regulation code na inisyu ng korte ng Pasay kamakailan.
Si Quinto ay sumuko noong Miyerkules sa National Bureau of Investigation (NBI) para harapin ang mga kaso ng umano’y pagkakasangkot niya sa isang investment scam.
Matatandaang nakipag-coordinate ang abogado ni Quinto sa NBI para sa kanyang boluntaryong pagsuko matapos maharap sa kaso kaugnay sa isyu ng Dermacare, ang parehong kumpanyang sangkot sa pag-aresto sa aktres-negosyante na si Neri Naig.
Ang probisyon ay nagbabawal sa mga indibidwal na kumilos bilang mga broker o nauugnay na tao maliban kung nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Nauna nang itinanggi ng aktres na sangkot siya sa diumano’y investment scam na nauugnay sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions, na sinasabing endorser lang siya at hindi nakikisali sa solicitation activities.
“Haharapin niya ang mga kasong iyon. Mag-voluntary surrender siya and magpo-post po kami ng bail for that. She’s worried kasi hindi naman totoo ‘yung allegations kasi my client po is just a brand ambassador, a model-endorser,” sabi ni Reyes .
“Ni hindi sa kanya nakapagbayad ng downpayment, tapos ‘yung mga tseke po puro tumalbog. Lahat po ‘yan hawak naman po namin ‘yung ebidensya, ipe-present namin sa court,”dagdag pa ng abogado.