HUMANTONG sa palitan ng putok kaninang umaga sa pagitan ng mga pulis at armadong kalalakihang lulan ng sasakyan na pagmamay-ari ng isang bise-alkalde ng bayan ng Pilar lalawigan ng Abra.
Base sa ulat ng Regional Mobile Force Battalion 15 kay Cordillera Police Regional Director Brigadier General Ronald Lee, dakong alas-10:30 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente sa Barangay Poblacion ng nasabing lokalidad.
Sa salaysay ng mga pulis sa PNP checkpoint, pinara umano nila ang isang puting van (Toyota Hi-Ace) bilang tugon sa direktiba ni PNP chief Dionardo Carlos kaugnay ng mga hakbang na kalakip ng paghahanda para sa isang maayos at mapayapang halalan.
Subalit sa halip na huminto, inararo ng rumagasang sasakyan ang harang na kanilang barrier na kanilang gamit sa naturang PNP checkpoint.
Bukod sa barrier, hinagip pa umano ng umalpas na sasakyan ang police mobile patrol car na gamit ng Regional Mobile Force Battalion 15, at saka nagpaputok sa direksyon ng mga nakahimpil na PNP personnel.
Dito na umano sila gumanti ng putok at hinabol ang sasakyang kalaunan ay pumasok sa bakuran ng bahay ni Pilar Vice-Mayor Jaja Josefina Disono.
Kaugnay nito, inalmahan rin ng Cordillera Police Regional Office sa naglabasang social media post kung saan sinasabing tinambangan diumano ng mga unipormadong kalalakihan si Disono.
Ani Lee, fake news ang paratang na inambush ng mga pulis ang sasakyan ng bise-alkalde.
Habang sinusulat ang balitang ito, patuloy namang nakapalibot ang mga kagawad ng pulisya sa bahay ni Vice Mayor Disono.