IPINANAWAGAN ni Senador Alan Peter Cayetano na magkaisa ang bansa at solusyonan ang isyu sa diplomatikong pamamaraan matapos ang patuloy na tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.
Aniya, “No one wins sa present situation. China doesn’t win. The Philippines doesn’t win,” wika niya sa panayam ng Laguna media nitong Biyernes, June 21, 2024.
Binigyang-diin ni Cayetano, na nagsilbi bilang secretary ng Department of Foreign Affairs o DFA sa ilalim ng administrasyong Duterte, ang kahalagahan ng pag-iwas sa usaping pulitika sa gitna ng hidwaan sa China at pagtuunan ng pansin ang pagkakaisa upang makamit ang kapayapaan
“Ang usapan sa West Philippine Sea dapat walang politika, dapat united tayo,” wika niya.
Lalong tumaas ang tensyon sa pagitan ng coast guard ng China at ng Pilipinas noong nakaraang taon.
Sa pinakahuling insidente, isang sundalo ng Philippine Navy ang naputulan ng hinlalaki nang banggain ng Chinese Coast Guard ang mga bangka ng Pilipinas. Iniulat din ang presensya ng tear gas at paggamit ng mga siren malapit sa BRP Sierra Madre, isang lumang barkong pandigma na nagsisilbing military outpost ng Pilipinas sa lugar.
Sinang-ayunan ni Cayetano ang pahayag ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na dapat magpulong ang National Security Council o NSC upang makabuo ng mga posibleng tugon sa mga agresibong aksyon ng China.
Umaasa rin si Cayetano na hindi na lalaki pa ang hidwaan gaya ng nangyari sa United States at Cuba noong 1960s.
“I do know that we are entering the point na brinkmanship na. It could get much worse,” saad niya.
“I still hope that there will be high level talks between the two presidents and I hope that there will be a high level mini-NSC talk na walang politika,” dagdag niya.
