BIÑAN CITY, Laguna – Isinagawa ng Central Student Council ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Biñan City Campus ang isang mock election para sa darating na halalan sa Mayo 12, na layuning masukat ang pulso ng kabataang estudyante hinggil sa mga kandidatong tumatakbo bilang gobernador ng Laguna.
Tinaguriang “PIYUPILI”, ang mock election ay naging plataporma upang marinig ang tinig ng mga estudyante at mapalalim ang kanilang kamalayan sa politika sa lokal na antas.
Nanguna sa botohan si Sol Aragones, na nakakuha ng 551 boto o katumbas ng 40.5% ng kabuuang bilang. Sumunod sa kanya si Rep. Ruth Hernandez na nakapagtala ng 425 boto (31.3%), habang pumangatlo naman si Rep. Dan Fernandez na may 215 boto (15.8%).
Lubos ang pasasalamat ni Aragones sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng mga estudyante. Ayon sa kanya, ang resulta ng mock election ay magsisilbing inspirasyon sa kanyang pagpapatuloy ng serbisyo at laban para sa mga Lagunense.
Batid ng mga kabataan ang ilan sa mga pangunahing adbokasiya ni Aragones tulad ng pagbibigay ng libreng maintenance medicine, pagpapabuti ng health care system, at mas pinalawak na oportunidad sa edukasyon sa pamamagitan ng scholarship programs.
Ayon kay Aragones, layunin niyang gawing mas abot-kamay ang serbisyo para sa bawat mamamayan ng Laguna, lalo na sa mga nangangailangan.
“Ang tunay na lingkod-bayan ay hindi lang naririnig, kundi nararamdaman,” ani Aragones.
Kandidato si Aragones bilang gobernador ng Laguna, katuwang si Peewee Perez bilang Bise Gobernador, at isinusulong ang #141 Akay ni Sol Partylist sa nalalapit na halalan.
