SA pagsisikap na palakasin ang partisipasyon ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa proseso ng eleksyon, inilunsad ng Commission on Elections (COMELEC) at ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang Satellite Voter’s Registration sa OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ayala Malls Manila Bay, 4th Floor, Macapagal Avenue, Parañaque CIty.
Dumayo ang mga kababayan sa OFW Tulong at Serbisyo Center para sa komportable, malamig, at maayos na venue ng voter’s registration. Ang COMELEC ay naghanda ng Registration Anywhere Program (RAP) na para sa local voters at Field Registration Center (FRC) para sa mga overseas voters. Kasama sa overseas voters ang mga Overseas Filipinos (OFs) at OFWs, maging ibang mga kababayang batid na sila’y nasa ibang bansa pagdating ng halalan sa 2025.
“Sana ay maging kabahagi ang lahat ng ating OFs at OFWs sa kauna-unahan at makasaysayang internet voting para sa ating mga overseas voters na gagawin sa 76 out of 93 foreign posts. Ito’y ating ipinaglaban, kasama ang COMELEC, dahil batid natin ang hirap ng mga OFWs sa pagboto kada eleksyon dahil sa oras at layo ng kanilang trabaho sa mga polling places. Hinihikayat kong makilahok ang lahat ng ating overseas voters na magparehistro at bumuto upang makatulong sa pagpanday ng pamumuno sa ating bansa.”, saad ni Rep. Marissa “Del Mar” Magsino.
Ayon sa COMELEC-Office for Overseas Voting noong Pebrero, 1.1 million na overseas voters ang rehistrado ayon sa kanilang pagtatala. Ito’y nais pataasin pa ng COMELEC gayun na maraming Pilipino ang naninirahan sa ibang bansa bilang OFs o OFWs.
Sa inisyatibong ito, nakikipagtulungan ang OFW Party List sa information dissemination sa ating OFWs kasabay ng patuloy na pagtulak ng pagsasabatas ng Internet Voting.
Noong Enero 2023, inihain ni Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang panukalang batas para sa internet voting ng overseas voters. Layon ng House Bill 6770 na amyendahan ang Overseas Voting Act of 2003 (Republic Act 10590) upang payagan ang pagboto sa pamamagitan ng email, mga web-based portal, at/o iba pang internet-based na teknolohiya na maituturing na angkop ng COMELEC.
Bukod sa pagboto, nais din ng HB 6770 na maging internet-based ang pagrehistro ng overseas voters.
“Kasabay ng pagtulak ng COMELEC sa Internet Voting ang ating inisyatibong magkaroon ito ng mas matibay na legal basis kaya’t umaasa tayong pagbukas ng session ay matatalakay na sa plenaryo ang substitute bill sa Internet Voting. Bukod dyan, nais na din natin isama ang proseso ng electronic o internet-based na pagrehistro. Inaasahan natin ang mas aktibong pakikilahok ng ating overseas voters, lalo ng ating OFWs, sa halalan dahil sa pinadaling proseso ng pagboto, at kalaunan, sana’y pati pagrehistro. Sa laki ng ambag nila sa ating ekonomiya at lipunan, nararapat lang na marinig ang boses nila sa paglahok sa halalan at pagpili ng mga lider na tunay na sandigan nila at ng pamilya nila.”, saad ni Rep. Marissa “Del Mar” Magsino.
