
PATAY ang isang stand up comedian matapos pagbabarilin sa Angeles City, Pampanga.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo ni Angeles City police acting director Col. Joselito Villarosa Jr., kinilala ang nasawi na si Goldenier Dagal, 38, stand up comedian at residente ng East Ortigas Ave., Sta. Lucia, Pasig City.
Naganap ang pag-atake ng baril sa loob ng isang beer house sa Ventura St. sa Marisol Subd., Bgy. Ninoy Aquino, Angeles City.
Sinabi ng mga saksi sa mga rumespondeng pulis na nakaupo si Dagal sa loob ng beerhouse nang lumapit ang tatlong lalaki at walang sabi-sabing pinagbabaril siya ng ilang beses.
Naisugod pa sa AUF Medical Center si Dagal ngunit binawian din ng buhay.
Agad na naglunsad ng flash alarm ang pulisya ng Angeles City para sa pag-aresto sa mga armadong lalaki.
Kasunod ng pag-atake ng baril, nag-utos si Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. para sa mas mataas na police visibility sa buong lungsod at ang mahigpit na pagpapatupad ng 24/7 checkpoints sa lahat ng entry point.