NATAGPUAN ang isang puting sako na naglalaman ng mga sunog na buto sa paligid ng Taal Lake, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes .
Nadiskubre ang sako ng dumating ang mga diver mula sa Philippine Coast Guard (PCG) na naghahanda na simulan ngayong araw ng Biyernes ang underwater search at retrieval operations ng mga bangkay ng mga nawawalang “sabungero,” na ayon sa whistleblower na si alyas “Totoy” ay itinapon sa lawa.
Sinabi ng suspect-turned-whistleblower na si Julie Patidongan, o alyas Totoy, sa mga imbestigador ang mga “sabungero,” na dinukot mula 2021 hanggang 2022 ay pinatay at inilibing sa Taal Lake.
Sinabi ni DOJ Assistant Secretary Jose Dominic Clavano na ang pagkakadiskubre sa sako ay nakita sa unang inspeksyon. Ang puting sako ay kitang-kitang nakilala at nakuha mula sa lake bed.Nang buksan ang sako ay naglalaman ito ng mga sunog na buto.
Ayon kay Clavano, ang mga buto ay sasailalim sa forensic examination alinman sa National Bureau of Investigation (NB) o PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang matukoy kung ang mga labi ay mula sa tao o hindi.
Sinabi ni Clavano na kapag napatunayang buto ng tao ang mga labi, magsasagawa ng DNA testing ang mga awtoridad upang matukoy kung may katugma ang sinuman sa pamilya ng mga nawawalang sabungero.
Nakipag-ugnayan na ang Department of Justice (DOJ) sa Philippine Coast Guard (PCG), na nagpapakalat ng kanilang mga divers at specialized equipment para sa operasyon.
Nagpapatuloy din ang Philippine Air Force (PAF) para mapabilis ang transportasyon ng mga technical asset na kailangan para sa underwater mapping.
