
NANAWAGAN si Transportation Secretary Vince Dizon sa North Luzon Expressway Corporation (NLEX) na maglaan ng mga karagdagang lane at i-waive ang mga toll fee sa apektadong lugar (Balintawak hanggang Marilao) para sa mga motorista kasunod ng aksidente noong Miyerkules sa Marilao Interchange Bridge.
Sinabi ni Dizon na makatuwiran lamang na i-waive ng NLEX ang toll mula sa mga motoristang dumadaan sa northbound side ng expressway habang isinasagawa ang pagsasaayos ng tulay.
“Dobleng pasakit naman sa mga motorista kung sisingilin pa sila nang buong toll habang ilang oras silang naipit sa traffic kahit maikling distansya lang naman ang ibibiyahe nila. Maliit na pakunswelo lang ito sa abalang dinaranas ng mga motorista’t pasahero,” ayon pa kay Dizon.
Bukod sa toll holiday para sa apektadong bahagi ng NLEX, sinabi rin ni Dizon na kailangang maglaan ng mga karagdagang lane para agad matugunan ang pagsisikip ng trapiko.
Bilang tugon, nagbukas na ang NLEX Corporation ng isang karagdagang lane—nagbibigay ng kabuuang tatlong lane para bigyang-daan ang mas mabilis na daloy ng trapiko.
Samantala, hiniling na ng Toll Regulatory Board sa NLEX na ipaliwanag kung bakit hindi ito dapat humarap sa mga parusa para sa pagpayag sa isang trak na may labis na vertical clearance na makapasok sa toll plaza, na nasira ang tulay.
Sinampahan naman ng NLEX ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property ang driver at ang mga may-ari ng truck.
Sa panig nito, agad na naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) sa kumpanya ng trak at sa driver nito.
Tiniyak ni Dizon sa publiko na ang DOTr at ang mga kaakibat nitong ahensya ay nakikipagtulungan sa NLEX para maayos ang nasirang tulay sa lalong madaling panahon.