
TATLO katao, kabilang ang isang babae, ang nasawi noong Biyernes sa pananambang ng mga armadong lalaking nakasakay sa sports utility vehicle (SUV) sa Bgy. Capihan, San Rafael, Bulacan.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fernando, kinilala ng Bulacan police ang mga biktima na sina Bryan, 33, ng San Ildefonso, Bulacan; girlfriend niya, at isang Jayvee.
Bago ang pag-atake ng pamamaril, sakay ang mga biktima sa isang Ford Everest at hinahabol ng isa pang itim na SUV.
Pagkatapos ay pinaputukan ng mga sakay ng isang itim na SUV ang sasakyan ng mga biktima gamit ang automatic rifle bago tumakas.
Sina Bryan, na nagmamaneho ng sasakyan, at Jayvee, na nakaupo sa front passenger seat, ay tinamaan ng mga bala, na agad na ikinamatay nila .
Namatay naman ang kasintahan ni Bryan habang ginagamot sa isang ospital.
Natagpuan ng mga rumespondeng otoridad sa pinangyarihan ng krimen ang 25 na mga basyo ng bala.
Agad namang nagpadala ng flash alarm ang Bulacan police sa iba pang police units para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga armado.