NAITALA sa bansa ng Department of Health (DOH)nitong Lunes ang unang kaso ng mpox o kilala bilang monkeypox
Ayon sa DOH, natanggap nila ang impormasyon tungkol sa bagong-record na kaso ng mpox noong Agosto 18 – ang una para sa taong ito.
Umabot na sa kabuuang 10 ang naitalang kaso sa buong bansa.
Ang huling naitalang kaso ng mpox sa bansa ay noong Disyembre 2023. Ang lahat ng mga naunang pasyente ng mpox ay gumaling na.
Sinabi ng Department na ang bagong kaso ay isang 33-taong-gulang na lalaking Filipino na walang history ng pagbiyahe sa labas ng Pilipinas ngunit may malapit at intimate na kontak tatlong linggo bago nagsimula ang mga sintomas.
“Nagsimula ang sintomas higit sa isang linggo na ang nakalipas na may lagnat, na sinundan ng apat na araw ng natuklasan ang isang natatanging pantal sa mukha, likod, batok, katawan, singit, pati na rin sa mga palad at talampakan,” ayon sa DOH.
Hindi tinukoy ng DOH ang tiyak na lokasyon kung saan naitala ang bagong kaso ng mpox ngunit binanggit na ito ay sa isang government hospital kung saan kinolekta ang mga specimen mula sa mga lesion sa balat at sinuri gamit ang real-time polymerase chain reaction (PCR) test.
Sinabi ng DOH na ang mpox ay maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng malapit o intimate na kontak sa isang taong may impeksyon, mga kontaminadong materyales tulad ng ginamit na damit o kagamitan, o nahawaang mga hayop.
Kabilang sa mga sintomas ng mpox ang pantal sa balat o mucosal lesions, na maaaring tumagal ng dalawa hanggang apat na linggo, pati na rin ang lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, sakit sa likod, mababang enerhiya, at pamamaga ng lymph nodes.
“Maaaring patayin ng sabon at tubig ang virus. Kapag naghuhugas ng mga kontaminadong materyales, gumamit ng guwantes,” paalala ng DOH sa publiko.